Home NATIONWIDE Impeachment trial ni VP Sara matatapos bago mag-Pasko – Garin

Impeachment trial ni VP Sara matatapos bago mag-Pasko – Garin

1
0

QUEZON CITY — Inihayag ni House Deputy Speaker Janette L. Garin ng Iloilo na posibleng matapos pa bago mag-Disyembre ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, matapos niyang makita ang paghihirap ng ilang testigo ng depensa na ipaliwanag ang mga kinukwestiyong ari-arian at transaksyong pinansyal.

“Kitang-kita po. Of course, with due respect sa ating defense panel at sa mga abogado ng ating pangalawang pangulo,” ani Garin sa Saturday News Forum sa Quezon City ngayong Sabado, Nobyembre 14, nang tanungin kung posible pang matapos bago mag-Disyembre ang paglilitis.

Ayon kay Garin, nagulat siya sa naging testimonya ng ilang testigo ng depensa, lalo na sa hirap nilang sumagot sa cross-examination.

“Nakikita naman, eh, na ako mismo ha, gulat na gulat ako doon sa mga witnesses or mga testigo ng depensa,” aniya. “Kasi parang napipilitan silang i-depensa ang mga bagay-bagay na hindi kayang i-depensa. Defending the indefensible is very difficult,” dagdag pa niya.

Sinimulan ng depensa ang paglalahad ng ebidensya noong Nobyembre 9 para sagutin ang alegasyon ng House prosecution na may hindi maipaliwanag na yaman at hindi dineklarang ari-arian si Duterte na aabot sa hindi bababa sa P817.87 milyon.

Binanggit ni Garin ang testimonya ng isang assessor mula sa Davao City na tinanong hinggil sa ari-ariang nakarehistro sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio, at ng isang city accountant na nagpaliwanag sa bayad na ginawa sa bise presidente. Aniya, nahirapan ang mga testigo na sagutin ang mga tanong sa mga bagay na sila mismo ang iniharap para linawin.

“Kaya kawawa minsan ‘yung sitwasyon ng kanilang mga witnesses,” ani Garin.

Dinidinig ng Senate impeachment court ang natitirang kaso ng unexplained wealth matapos bawiin ng House prosecution ang tatlo pang articles of impeachment. Nanindigan naman ang depensa na sinusuportahan ng kanilang mga testigo at dokumento ang asset declarations at paliwanag ni Duterte sa mga kinukwestiyong transaksyon.

Ang pahayag ni Garin ay kasunod ng pag-atras ng depensa sa 16 na bank officers mula sa orihinal nitong listahan ng mga testigo, dahilan para mabawasan ang bilang ng mga ihaharap pa.

Nakatakdang magpatuloy ang paglalahad ng ebidensya ng depensa sa Nobyembre 19 at 20, na may inaasahan pang pagdinig sa Disyembre. Mananatili pa ring nakadepende ang timetable ng pagtatapos ng trial sa paglalahad ng ebidensya at sa takbo ng paglilitis sa Senate impeachment court. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here