Home HOME BANNER STORY Mahigit 200 raliyista sa Muntinlupa, inaresto, kakasuhan ng PNP

Mahigit 200 raliyista sa Muntinlupa, inaresto, kakasuhan ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Nahaharap sa posibleng pagsasampa ng kaso ang mahigit 200 demonstrador na inaresto ng pulisya matapos ang dispersal sa Sucat People’s Park sa Muntinlupa City nitong Linggo, Nobyembre 15.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director Police Brig. Gen. Rodel Pastor, kakasuhan ang mga inarestong miyembro ng Lakbayan ng Timog Katagalugan matapos umanong tumangging makipagtulungan sa mga awtoridad.

Sa isang panayam, sinabi ni Pastor na nagkaroon ng komprontasyon nang tangkaing arestuhin ang mga demonstrador.

Iginiit ng opisyal na una nang nakipag-usap ang pulisya sa grupo ngunit nagtungo umano ang mga raliyista sa kalsada upang magsagawa ng protesta sa lugar na hindi itinalagang freedom park.

Dinala ang mga inaresto sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa pansamantalang kustodiya.

Gayunman, kinuwestiyon ng Lakbayan ng Timog Katagalugan ang bilang ng mga inaresto at sinabing maaaring umabot sa 300 ang kanilang mga kasamahang dinakip.

Kinondena naman ng AlterMidya Network ang pag-aresto sa mga mamamahayag na nagkokober ng protesta, kabilang ang ilang miyembro ng campus at alternative media organizations.

Nanawagan ang grupo na tiyaking ligtas ang mga inaresto at mabigyan sila ng access sa legal na tulong.

Sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985, maaaring kailanganin ang permit sa mga pagtitipon sa pampublikong lugar maliban sa mga itinalagang freedom park at iba pang exempted na lugar.

Gayunman, nakasaad din sa batas na hindi maaaring panagutin sa simpleng pagdalo o pakikilahok sa isang mapayapang pagtitipon ang isang indibidwal.

Kabilang sa mga tinututulan ng mga demonstrador ang Pax Silica Initiative, Luzon Economic Corridor at nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump para sa 49th ASEAN Summit.

Hindi pa tinukoy ng SPD ang eksaktong mga kasong isasampa laban sa mga inaresto. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here