MANILA, Philippines – Umabot na sa 1,951 ang bilang ng mga dayuhang dignitaryo at delegado na dumating sa Pilipinas para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Naitala ang naturang bilang mula Nobyembre 3 hanggang alas-3 ng hapon nitong Linggo, Nobyembre 15, 2026.
Kabilang sa mga dumating ang mga pinuno ng bansa, ministro, matataas na opisyal ng pamahalaan at iba pang delegado, habang inaasahan pang madaragdagan ang bilang sa susunod na dalawang araw.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy ang mahigpit na pagbabantay sa immigration operations upang matiyak ang maayos at mabilis na pagproseso sa pagdating ng mga dayuhang opisyal.
Nananatili ring naka-heightened alert ang lahat ng international ports of entry at exit sa bansa, habang naka-duty nang 24 oras ang mga tauhan ng BI.
May mga kinatawan din ang ahensya sa ASEAN Multi-Agency Coordinating Center (MAC) at Tactical Operations Center (TOC) para sa koordinasyon ng seguridad at immigration operations.
Samantala, idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa Metro Manila upang mabawasan ang trapiko at matiyak ang seguridad ng mga kalahok sa ASEAN Summit.
Magpapatuloy ang mga aktibidad at pagpupulong kaugnay ng summit hanggang Nobyembre 18. Dave Medina