MANILA, Philippines – Pinanatili ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang restriksyon sa pagdalo ng mga political leader ng Myanmar sa matataas na pulong ng samahan habang nananawagan ng agarang pagtigil sa karahasan laban sa mga sibilyan.
Sa desisyong pinagtibay sa 49th ASEAN Summit sa Maynila nitong Linggo, Nobyembre 15, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang mga lider ng ASEAN sa patuloy na labanan at lumalalang humanitarian crisis sa Myanmar.
Nanawagan ang samahan sa militar, security forces at mga armadong grupo na itigil ang mga pag-atake sa mga sibilyan at pasilidad na ginagamit ng publiko.
Iginiit din ng ASEAN ang pangangailangan ng pangmatagalang tigil-putukan sa buong Myanmar upang matiyak ang ligtas na paghahatid ng humanitarian assistance at maisulong ang mapayapang pag-uusap sa pagitan ng mga sangkot na partido.
Sa ilalim ng desisyon, mananatiling limitado sa mga non-political representative ang paglahok ng Myanmar sa ASEAN summits at foreign ministers’ meetings hangga’t walang makabuluhang progreso sa pagpapatupad ng Five-Point Consensus (5PC).
Gayunman, maaaring unti-unting ibalik ang buong political representation ng Myanmar kung magpapakita ito ng tuloy-tuloy at konkretong pagsunod sa peace plan.
Ang 5PC, na pinagtibay noong 2021, ay naglalayong wakasan ang karahasan, magsulong ng dayalogo, magbigay ng humanitarian assistance at suportahan ang isang mapayapang resolusyon sa krisis.
Nanawagan din ang ASEAN na tiyaking direktang makararating ang tulong sa mga internally displaced person o mga residenteng napilitang lumikas dahil sa armadong labanan.
Nagsimula ang kasalukuyang krisis sa Myanmar matapos patalsikin ng militar ang demokratikong nahalal na pamahalaan ni Aung San Suu Kyi noong Pebrero 2021.
Sa kabila ng pagpapatuloy ng diplomasya, nananatiling hindi ganap na naipatutupad ang ASEAN peace plan.
Inaasahang ipagpapatuloy ang mga pagsisikap na maresolba ang krisis sa ilalim ng Singapore, na hahawak sa ASEAN chairmanship sa 2027. Dave Medina