Home HOME BANNER STORY 17 Pinoy seafarers, ligtas sa banggaan ng tanker at cruise ship sa...

17 Pinoy seafarers, ligtas sa banggaan ng tanker at cruise ship sa US — DMW

1
0

MANILA, Philippines – Ligtas ang 17 Pilipinong tripulante ng tanker na bumangga sa isang nakadaong na cruise vessel sa Mississippi River sa New Orleans, Louisiana, Estados Unidos.

Kinumpirma ito ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac nitong Linggo, Nobyembre 15, matapos ang insidenteng kinasangkutan ng Marshall Islands-flagged tanker na Atlantic Asphalt at river cruise vessel na American Heritage noong Nobyembre 13.

Ayon kay Cacdac, walang Pilipinong nasaktan sa insidente at wala ring Filipino worker na sakay ng American Heritage batay sa kanilang impormasyon.

Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Philippine Embassy sa Washington, Philippine Consulate sa Houston at lokal na manning agency upang maasikaso ang ligtas na pagpapauwi sa mga tripulante.

Tiniyak din ng kalihim na magbibigay ang pamahalaan ng kinakailangang tulong sa mga apektadong Pilipino.

Batay sa paunang impormasyon, posibleng nagkaproblema sa pagmamaniobra ang tanker bago nito mabangga ang nakadaong na cruise vessel.

Dahil sa insidente, tumagilid at bahagyang lumubog ang American Heritage.

Ayon sa mga awtoridad sa New Orleans, 32 katao ang dinala sa ospital kasunod ng banggaan. Walang naiulat na nasawi.

Patuloy namang iniimbestigahan ng US Coast Guard at National Transportation Safety Board ang sanhi ng aksidente. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here