MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 22 mamamahayag at campus journalist ang nakaranas umano ng harassment, pag-aresto at tangkang pag-aresto ng pulisya habang nagkokober ng mga protesta kaugnay ng 49th ASEAN Summit nitong Linggo, Nobyembre 15.
Ito ang iniulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), na kinondena ang umano’y panghihimasok ng pulisya sa trabaho ng mga mamamahayag.
Kabilang sa mga naapektuhan ang mga campus journalist mula sa UPLB Perspective, The Staple, Philippine Collegian at The Sentinel na nagkokober ng protesta sa Sucat, Muntinlupa City.
Ayon sa NUJP, isang mamamahayag mula sa Philippine Collegian at isa mula sa Southern Tagalog Exposure ang kabilang sa mga inaresto habang nagkokober ng Lakbayan ng Timog Katagalugan.
Sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, iniulat din ang tangkang pag-aresto sa dalawang campus journalist ng Tinig ng Plaridel at isang mamamahayag ng Altermidya.
Sa hiwalay na pahayag, kinondena ng Altermidya Network ang mga insidente at nanawagan ng agarang pagpapalaya sa mga dinakip, gayundin ng imbestigasyon sa umano’y pang-aabuso ng pulisya.
Iginiit ng grupo na hindi dapat maging dahilan ang mga hakbang sa seguridad para sa ASEAN Summit upang hadlangan ang mga mamamahayag sa pag-uulat.
Samantala, sinabi ni Southern Police District Director Police Brig. Gen. Rodel Pastor na mahigit 200 demonstrador ang inaresto sa Muntinlupa matapos umanong magsagawa ng protesta sa lugar na hindi itinalagang freedom park.
Hindi pa malinaw kung may hiwalay na kasong isasampa laban sa mga mamamahayag na nadamay sa operasyon.
Nanawagan ang NUJP na igalang ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at tiyaking malayang makapag-uulat ang media sa mga pangyayaring may pampublikong interes. Santi Celario