Home METRO 3 barko sapul ng drone attacks sa Black Sea; walang nasaktan

3 barko sapul ng drone attacks sa Black Sea; walang nasaktan

1
0

MANILA, Philippines – Tatlong commercial vessel ang tinamaan ng drone attacks sa Black Sea malapit sa Romania noong Sabado ng gabi, Nobyembre 14, habang patuloy ang tensyon sa rehiyon bunsod ng digmaan ng Russia at Ukraine.

Ayon sa Romanian Ministry of National Defence, kabilang sa mga tinamaan ang Greek-flagged tanker na Evia Petrol V at mga barkong Marsol at Ali Najafov na parehong nakarehistro sa Saint Kitts and Nevis.

Naganap ang dalawa sa mga pag-atake sa loob ng territorial waters ng Romania, humigit-kumulang apat hanggang limang nautical miles mula sa Sulina Canal.

Sinabi ni Romanian Defense Minister Stefan Radu Oprea na nagkaroon ng sunog sa mga barko matapos ang pag-atake, ngunit agad itong naapula ng kanilang mga tripulante.

Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa mga insidente.

Dalawang beses ding nagpalipad ng fighter jets ang Romanian military bilang tugon sa mga natukoy na aerial threat sa lugar.

Samantala, kinondena ni Romanian Prime Minister Luca Niculescu ang mga pag-atake na aniya ay lumalabag sa international law at nagpapakita ng lumalalang sitwasyon sa seguridad ng Black Sea.

Hindi pa natutukoy ng mga awtoridad kung sino ang responsable sa mga drone strikes.

Mahalaga ang Sulina Canal dahil nagsisilbi itong pangunahing ruta ng mga commercial vessel mula Danube River patungong Black Sea, kabilang ang mga ginagamit sa pag-export ng mga produkto mula Ukraine.

Ayon kay Oprea, isusulong niya ang pagpapalakas ng maritime surveillance at anti-drone capabilities sa pakikipagpulong sa mga defense minister sa Brussels.

Nauna ring tinamaan ng drone ang isa pang cargo ship noong Nobyembre 13, na wala ring naiulat na nasaktan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here