MANILA, Philippines – Patay ang isang 14-anyos na binatilyo matapos tamaan ng bala sa noo sa gitna ng riot ng mga kabataan sa Barangay 49, Caloocan City.
Batay sa ulat na nakarating kay Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Benliner Capili, naganap ang insidente dakong alas-1:50 ng madaling araw noong Biyernes sa kahabaan ng C3 Road Railway.
Nalaman ng Caloocan Police ang insidente matapos tumawag ang security personnel ng Caloocan City Medical Center (CCMC) upang iulat na may menor de edad na isinugod sa ospital matapos magtamo ng tama ng bala sa noo.
Ayon sa Caloocan Police Station, natukoy na ang pagkakakilanlan ng walong indibidwal na sangkot umano sa kaguluhan, kabilang ang suspek na pinaniniwalaang gumamit ng improvised pen gun.
Patuloy ang intelligence-driven manhunt operation ng pulisya upang matunton ang mga indibidwal na sangkot umano sa insidente at matukoy ang kanilang pananagutan.
Hindi pa inilalahad ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril at kung may mga naaresto na kaugnay ng kaso.