MANILA, Philippines – Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China na pairalin ang pagtitimpi, paggalang sa isa’t isa at kooperasyon upang mapayapang maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan sa rehiyon.
Sa kanyang pambungad na talumpati sa 29th ASEAN-China Summit sa Maynila nitong Lunes, Nobyembre 16, binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat manatili sa mga pangako lamang ang paggalang sa international law at mapayapang paglutas ng mga alitan.
“During this anniversary year, our shared commitment to international law and the peaceful settlement of disputes must be reflected in our actions, including through self-restraint, mutual respect, and practical cooperation,” ani Marcos.
Kasabay ito ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC), isang kasunduang nagtataguyod ng mapayapang ugnayan at paglutas ng mga alitan sa pagitan ng mga bansang lumagda rito.
Sumapi ang China sa kasunduan noong 2003.
Bagama’t walang direktang binanggit na partikular na sigalot, nagpapatuloy ang tensyon sa South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea, kung saan may magkakapatong na maritime claims ang Pilipinas at China.
Binigyang-diin din ni Marcos ang kahalagahan ng pagbuo ng Code of Conduct (COC) sa South China Sea na naaayon sa international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Gayunman, hindi pa nararating ng ASEAN at China ang pinal na kasunduan sa COC, bagama’t may pansamantalang pagkakasundo na sa humigit-kumulang 80% ng draft.
Samantala, tiniyak ni Chinese Premier Li Qiang na nananatiling nakatuon ang China sa multilateralism at malayang kalakalan sa kabila ng tumitinding mga paghihigpit sa pandaigdigang ekonomiya.
Iginiit ni Li ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan at makabagong teknolohiya sa pagitan ng China at ASEAN.
Tinalakay rin sa summit ang pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang panig sa larangan ng ekonomiya, seguridad at iba pang usaping panrehiyon.