MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mas matibay na kooperasyon at political will upang mapabilis ang pagtupad sa United Nations Sustainable Development Goals (SDGs) bago ang 2030 deadline.
Sa kanyang talumpati sa 16th ASEAN-UN Summit sa Pasay City nitong Lunes, Nobyembre 16, binigyang-diin ng Pangulo na 36% lamang ng mga nasusukat na SDG targets ang nasa tamang direksyon o nagpapakita ng katamtamang progreso.
“Achieving these goals requires renewed political will, stronger partnerships with the private sector, and cooperation that is evidence-based and responsive to the needs of its members, especially developing countries,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, mahalagang palakasin ang pagtutulungan ng mga pamahalaan, pribadong sektor at international organizations upang maisakatuparan ang mga layunin sa paglaban sa kahirapan, pagpapabuti ng kalusugan, edukasyon at pangangalaga sa kalikasan.
Isinusulong din ng ASEAN ang pag-uugnay ng ASEAN Community Vision 2045 sa UN 2030 Agenda for Sustainable Development sa pamamagitan ng ASEAN-UN Complementarities Initiative.
Kabilang sa mga larangan ng kooperasyon ang digital transformation, energy security, climate action, disaster management, food security at proteksyon sa mga mahihinang sektor.
Samantala, pinuri ni UN Secretary-General António Guterres ang Pilipinas sa matagumpay na pagsasagawa ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na aniya’y mahalagang hakbang sa proseso ng kapayapaan.
Nagpahayag din si Guterres ng pangamba sa lumalalang humanitarian crisis sa Myanmar at nanawagan ng proteksyon sa mga sibilyan at walang sagabal na paghahatid ng tulong.
Binigyang-diin ng dalawang lider ang pangangailangang maisalin ang mga pangako ng ASEAN at UN sa mga konkretong hakbang na makatutulong sa mamamayan. RNT