CEBU CITY, Philippines – Nauwi sa komprontasyon ang kilos-protesta laban sa pagbisita ni US President Donald Trump at sa Pax Silica initiative matapos magsunog ng effigy ang mga demonstrador sa Colon Street, Cebu City, nitong Lunes, Nobyembre 16.
Ayon sa ulat, dalawang pulis ang nagtamo umano ng minor injuries sa nangyaring kaguluhan, batay sa pahayag ng Cebu City Police Office (CCPO).
Pinangunahan ng Bayan Central Visayas at iba pang sectoral organizations ang protesta na tumutuligsa rin sa pagtaas ng presyo ng langis, planong jeepney phaseout, pagbawas sa pondo ng edukasyon at pagtaas ng matrikula.
Ayon sa CCPO, walang permit ang isinagawang demonstrasyon sa Colon Street na tumagal mula alas-9 ng umaga hanggang tanghali.
Gayunman, sinabi ng pulisya na pinairal nito ang maximum tolerance at nagtalaga lamang ng mga tauhan upang pangasiwaan ang trapiko at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Nagkaroon umano ng komprontasyon nang tangkaing pigilan ng mga awtoridad ang pagsunog ng effigy dahil sa panganib ng sunog, lalo’t may mga linya ng kuryente sa ibabaw ng lugar.
Ayon pa sa pulisya, may isang demonstrador umanong nagtangkang agawin ang fire extinguisher mula sa tauhan ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) na rumesponde upang apulahin ang apoy.
Sinabi ng CCPO na iniimbestigahan nito ang insidente at posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga mapatutunayang lumabag sa batas.
Samantala, kabilang sa mga lumahok sa protesta ang mga grupo ng kabataan, transport workers at iba pang sektor na tumututol sa Pax Silica initiative dahil sa pangamba sa posibleng epekto nito sa pambansang soberanya.
Binantayan din ng Commission on Human Rights (CHR) ang demonstrasyon, ayon sa ulat.
Wala pang inilalabas na pahayag ang mga organizer hinggil sa mga alegasyon ng pulisya kaugnay ng komprontasyon.
Bahagi ang kilos-protesta ng mga pagkilos sa iba’t ibang panig ng bansa kasabay ng 49th ASEAN Summit at inaasahang pagdating ni Trump sa Pilipinas sa Martes, Nobyembre 17. Mary Anne Sapico