Home METRO P6.8M tobats nasamsam, ‘bigtime durugista’ timbog sa Marawi

P6.8M tobats nasamsam, ‘bigtime durugista’ timbog sa Marawi

1
0

MARAWI CITY, Lanao del Sur – Arestado ang isang 42-anyos na lalaki na itinuturing ng mga awtoridad na high-value drug suspect matapos makuhanan ng tinatayang ₱6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Marawi City.

Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro (PDEA-BAR) ang suspek sa alyas na “Ali,” residente ng Maguing, Lanao del Sur.

Isinagawa ang operasyon noong Sabado, Nobyembre 14, sa Purok 5, Barangay Marawi Poblacion.

Ayon sa PDEA-BAR, naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng droga sa isang undercover operative.

Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 1,006 gramo ng hinihinalang shabu na nakatago sa isang berdeng pakete ng Chinese tea na may tatak na “Guanyinwang.”

Nakumpiska rin ang buy-bust money, cellphone, Toyota Hilux at ilang identification card.

Pinangunahan ng PDEA Maguindanao del Sur ang operasyon katuwang ang PDEA Lanao del Sur, Marawi City Police Station at mga yunit ng Philippine Army at Regional Mobile Force Battalion.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay ng umano’y pagbebenta ng ilegal na droga.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng nakumpiskang hinihinalang shabu at kung may kaugnayan ang suspek sa mas malawak na operasyon ng ilegal na droga. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here