MANILA, Philippines – Nanawagan si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ng masusing imbestigasyon sa umano’y pang-aabuso ng pulisya sa pag-aresto sa daan-daang demonstrador kasabay ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit nitong Linggo, Nobyembre 15.
Sa kanyang pahayag nitong Lunes, Nobyembre 16, kinondena ni De Lima ang mga ulat ng marahas na pag-aresto sa mga raliyista, kabilang ang mga katutubo, magsasaka, estudyante at mamamahayag.
Kinuwestiyon din niya ang pagpapatupad ng maximum tolerance ng Philippine National Police (PNP), lalo na sa mga alegasyong hinarass ang ilang demonstrador at hindi agad pinayagang makausap ang kanilang mga abogado at pamilya.
“Tinakpan na nga ang mukha ng kahirapan para maitago sa ASEAN, bubusalan pa ang daan-daang mga raliyista,” bahagi ng pahayag ni De Lima.
Iginiit ng mambabatas na dapat papanagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa karapatan ng mga inarestong demonstrador.
Nanawagan din siya ng agarang pagpapalaya sa mga raliyistang ilegal umanong ikinulong.
Naganap ang mga pag-aresto sa magkahiwalay na kilos-protesta sa Maynila at Muntinlupa City laban sa US-led Pax Silica initiative at inaasahang pagbisita ni US President Donald Trump.
Ayon sa ilang organisasyon, umabot sa mahigit 300 ang mga inaresto. Gayunman, sinabi ng PNP nitong Lunes na 220 ang naaresto sa mga insidenteng may kaugnayan sa protesta.
Ipinagtanggol naman ni PNP spokesperson Brig. Gen. Allen Rae Co ang mga operasyon ng pulisya at iginiit na pinairal ng mga tauhan ang maximum tolerance bago nagsagawa ng pag-aresto.
Ayon pa sa PNP, 15 pulis ang nasugatan sa mga komprontasyon sa mga demonstrador.
Binigyang-diin ni De Lima na bagama’t mahalagang matiyak ang seguridad ng mga dayuhang lider at delegado, hindi ito dapat maging dahilan upang isantabi ang karapatan ng mga Pilipino sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag. RNT