Home METRO Police mobile sa motel sa Maynila, ipinagtanggol ng PNP

Police mobile sa motel sa Maynila, ipinagtanggol ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Walang nakikitang masama ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapahinga ng mga pulis sa motel matapos kumalat ang larawan ng isang police mobile na umano’y nakaparada sa isang drive-in motel sa Maynila sa gitna ng seguridad para sa 49th ASEAN Summit.

Sa press briefing nitong Lunes, Nobyembre 16, ipinaliwanag ni PNP spokesperson Brig. Gen. Allen Rae Co na maaari ring magsilbing pansamantalang pahingahan ang mga motel para sa mga pulis na naka-duty sa malalaking aktibidad.

“Ano ba ang definition ng motel? Motel is a motorist hotel. Now, let us cleanse our minds naman,” ani Co.

Ayon sa opisyal, nangangailangan din ng abot-kayang matutuluyan ang mga pulis na kailangang magpahinga nang ilang oras bago muling bumalik sa kanilang tungkulin.

Paliwanag niya, may mga hotel na hindi nag-aalok ng panandaliang accommodation, kaya maaaring maging praktikal na alternatibo ang motel.

“We do not see any issue with parking in this establishment,” dagdag ni Co.

Gayunman, tiniyak ng PNP na susuriin pa rin nito ang mga pangyayari kaugnay ng police mobile na namataan sa naturang establisimyento.

Nauna nang nagtalaga ang PNP ng mahigit 19,000 pulis para sa seguridad ng ASEAN Summit, kabilang ang pagbabantay sa mga venue, hotel at rutang dadaanan ng mga delegado.

Wala pang inilalabas na resulta ng pagsusuri ang PNP hinggil sa partikular na insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here