Home NATIONWIDE Teodoro, ‘di basta magtitiwala sa China sa South China Sea code

Teodoro, ‘di basta magtitiwala sa China sa South China Sea code

1
0

MANILA, Philippines – Hindi maaaring basta umasa sa mabuting hangarin ng China si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. pagdating sa posibleng pagsunod nito sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea.

Sa Manila Dialogue on the South China Sea nitong Lunes, Nobyembre 16, tinanong si Teodoro kung nagtitiwala siyang susunod ang Beijing sa magiging kasunduan.

“I am not paid to rely on the good faith of an adversary,” tugon ni Teodoro, batay sa ulat ng Inquirer.

Iginiit ng kalihim na kung iaasa niya ang kanyang trabaho sa mabuting hangarin ng itinuturing niyang kalaban, mas mabuting humanap na lamang ng ibang mamumuno sa Department of National Defense (DND).

Dumating ang pahayag kasunod ng pagkabigo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China na tapusin ang negosasyon sa COC sa ilalim ng ASEAN chairmanship ng Pilipinas ngayong 2026.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, umabot na sa humigit-kumulang 80% ang mga probisyon ng draft na may pansamantalang pagkakasundo.

Gayunman, nananatiling hindi nareresolba ang ilang mahahalagang usapin, kabilang ang saklaw na karagatan, mga tuntunin ng kasunduan at kung magkakaroon ito ng legal na bisa.

Inaasahang ipagpapatuloy ang mga negosasyon sa 2027 sa ilalim ng pamumuno ng Singapore sa ASEAN.

Layunin ng COC na magtakda ng mga alituntunin upang maiwasan ang mga komprontasyon at mapangasiwaan ang mga hindi pagkakaunawaan sa South China Sea, kabilang ang mga lugar na inaangkin ng China at iba pang bansa.

Matatandaang naglabas ng arbitral ruling noong 2016 na nagpawalang-bisa sa malawak na maritime claims ng China batay sa makasaysayang karapatan, ngunit patuloy itong tinututulan ng Beijing. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here