MANILA, Philippines – Hindi na kailangang sumailalim sa paulit-ulit na medical examination o magsumite ng panibagong medical certificate ang persons with disabilities (PWDs) na may permanenteng kapansanan kapag naitala at napatunayan na ang kanilang kondisyon sa national database.
Ito ang nilinaw ng National Council on Disability Affairs (NCDA) nitong Lunes, Nobyembre 16, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Unified Persons with Disabilities Identification System (UPWDIS).
Sa ilalim ng NCDA Administrative Order No. 001, series of 2026, magkakaroon ng lifetime validity ang Unified PWD ID ng mga may permanenteng kapansanan, habang maaari pa ring kailanganin ang pag-update ng personal na impormasyon o pagberipika ng mga rekord.
Layunin nitong bawasan ang gastos, dokumento at paulit-ulit na pagpunta sa mga tanggapan ng pamahalaan para lamang mapatunayan ang permanenteng kondisyon ng isang PWD.
Mananatili namang valid ang mga hindi pa expired na PWD ID na inisyu ng local government units (LGUs) sa loob ng tatlong taong transition period.
Gagamitin din ang mga kasalukuyang rekord upang mapabilis ang pagpaparehistro at mabawasan ang mga dokumentong kailangang isumite.
Para sa mga PWD na walang internet access, magpapanatili ang mga LGU ng physical assistance desks, habang magsasagawa rin ng mobile registration sa malalayong komunidad.
Nauna nang nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na gawing mas simple ang proseso upang hindi na kailangang gumastos at magpabalik-balik sa mga tanggapan ang mga indibidwal na may permanenteng kapansanan.
Bukod sa pagpapadali ng serbisyo, layunin ng unified system na maiwasan ang paggamit ng pekeng PWD IDs at mapahusay ang pagbibigay ng mga benepisyong itinakda ng batas. Santi Celario