MANILA, Philippines – Nahaharap na sa reklamong murder ang tatlong suspek sa pagpatay kay Isabela City Regional Trial Court Branch 2 Judge Joseph Wee Sit sa Zamboanga City noong Nobyembre 12.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinampa ang reklamo sa Zamboanga City Prosecutor’s Office noong Sabado, Nobyembre 14, laban sa isang natukoy na gunman at dalawa pang hindi nakikilalang kasabwat.
Batay sa impormasyong inilabas ng Supreme Court (SC), mayroon umanong nakabinbing arrest warrant laban sa natukoy na gunman na mismong si Wee Sit ang nagpalabas.
Gayunman, hindi pa tinukoy ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang naturang warrant sa motibo ng pagpatay sa hukom.
Nanawagan naman ang Korte Suprema nitong Lunes, Nobyembre 16, ng mabilis, masusi at patas na imbestigasyon upang mapanagot ang lahat ng responsable sa krimen.
Bumuo na ang PNP ng Special Investigation Task Group upang tutukan ang kaso at pagtukoy sa iba pang posibleng sangkot sa pamamaril.
Samantala, inatasan ng SC ang Office of the Judiciary Marshals na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matiyak ang seguridad ng pamilya ni Wee Sit at mapalakas ang proteksyon sa kanyang korte sa Isabela City, Basilan.
Pinagsusuri rin ang mga deputy marshal sa mga posibleng banta sa seguridad ng mga hukom sa kani-kanilang nasasakupan.
Matatandaang pinagbabaril si Wee Sit habang nagmamaneho sa Tumaga-Putik Road sa Barangay Tumaga, Zamboanga City noong Nobyembre 12.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi dapat maging hadlang ang karahasan at pananakot sa malaya at patas na pagtupad ng hudikatura sa tungkulin nito. RNT