MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang naging hakbang ng pulisya laban sa mga demonstrador na nagtangkang makalapit sa mga lugar na pinagdarausan ng 49th ASEAN Summit.
Sa pahayag, sinabi ni Nartatez na ilang beses nang pinaalalahanan ang mga nagpoprotesta na magsagawa ng kanilang mga aktibidad sa tamang lugar at panahon.
“Hindi po ugali ng mga Pilipino ang mambastos at ilagay sa alanganin ang seguridad ng ating mga bisita,” ani Nartatez.
Ayon sa PNP chief, paulit-ulit na nakipag-usap at nagbigay ng babala ang mga pulis bago ipatupad ang batas laban sa mga demonstrador na umano’y nagtangkang lumusot sa police barricades.
Iginiit niyang kinikilala ng PNP ang karapatan sa mapayapang protesta ngunit hindi nito hahayaang malagay sa panganib ang mga lider at delegadong dumalo sa ASEAN Summit.
Batay sa datos na ibinahagi ng PNP sa press briefing nitong Lunes, umabot sa 220 indibidwal ang inaresto, habang 21 naman ang iniulat nitong nasagip kaugnay ng mga insidente sa protesta.
Samantala, kinondena ng ilang organisasyon ang mga pag-aresto at umano’y marahas na pagtrato sa mga demonstrador.
Nanawagan din si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines, ng pagpapalaya sa mga indibidwal na inaresto dahil lamang sa mapayapang paggamit ng kanilang mga karapatan at ng imbestigasyon sa mga napaulat na pang-aabuso.
Tiniyak naman ni Nartatez na patuloy na magpapatupad ng maximum tolerance ang mga pulis habang binabantayan ang natitirang aktibidad ng ASEAN Summit.
Sinabi rin niyang pananagutin ang sinumang pulis na mapatutunayang lumabag sa itinakdang pamantayan ng PNP. Santi Celario