Home HOME BANNER STORY 10K raliyista, inaasahan sa protesta vs Trump

10K raliyista, inaasahan sa protesta vs Trump

3
0

MANILA, Philippines – Tinatayang 10,000 demonstrador ang inaasahang lalahok sa malawakang protesta laban sa pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas ngayong Martes, Nobyembre 17, kasabay ng 49th ASEAN Summit.

Nakatakdang isagawa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at iba pang grupo ang tinaguriang “Trump Out Rally” alas-2 ng hapon, na may planong martsa mula Liwasang Bonifacio sa Maynila patungong Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Tinututulan ng mga grupo ang pagbisita ni Trump at ang planong Pax Silica initiative, na ibinabahala nilang maaaring makaapekto sa likas na yaman at mga komunidad.

Samantala, sinabi ni BAYAN chairperson Teddy Casiño na inaasahan nilang madaragdagan pa ang bilang ng mga demonstrador.

Ayon naman kay Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Jerome Adonis, may mga delegasyon pang naglalakbay mula sa iba’t ibang rehiyon upang makilahok sa protesta.

Nauna nang nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at demonstrador malapit sa Liwasang Bonifacio noong Linggo, Nobyembre 15, na humantong sa pag-aresto sa ilang raliyista.

Ayon sa pulisya, may mga tauhan din itong nasugatan sa sagupaan. Kinondena naman ng ilang grupo ang mga pag-aresto at umano’y marahas na dispersal.

Binigyang-diin ni Manila Police District director Brig. Gen. Arnold Santiago na dapat manatili ang mga demonstrador sa itinakdang freedom park at sumunod sa umiiral na batas.

Samantala, nauna nang iniutos ng Malacañang sa mga pulis ang pagpapatupad ng maximum tolerance sa paghawak sa mga protesta.

Inaasahang dadalo si Trump sa ASEAN-US Special Summit habang mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang seguridad sa paligid ng PICC. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here