MANILA, Philippines – Umalis na ng Estados Unidos si US President Donald Trump nitong Lunes, Nobyembre 16, upang dumalo sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Pilipinas bago magtungo sa China.
Sakay ng Air Force One, umalis si Trump mula sa Joint Base Andrews sa Maryland kasama sina US Secretary of State Marco Rubio at Treasury Secretary Scott Bessent.
Inaasahang darating ang pangulo sa Maynila ngayong Martes, Nobyembre 17, para sa ASEAN-US Special Summit.
Nakatakda rin siyang makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang sa Miyerkules, Nobyembre 18, bilang bahagi ng kanyang opisyal na pagbisita.
Ayon sa White House schedule, kabilang sa mga aktibidad ni Trump ang mga pagpupulong sa mga lider ng rehiyon at pagdalo sa ASEAN-US dinner.
Samantala, bago umalis ng Washington, sinabi ni Trump na posible siyang makipagkita kay North Korean leader Kim Jong Un sa China, depende sa magiging pag-uusap kay Chinese President Xi Jinping.
Inaasahan ding makipagpulong si Trump kay Xi at Russian President Vladimir Putin upang talakayin ang mga usaping panseguridad at pandaigdigang tensyon.
Kasabay ng pagbisita ni Trump, nakatakda rin ang mga kilos-protesta sa Metro Manila laban sa kanyang pagdating at sa planong Pax Silica initiative sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Mahigpit namang binabantayan ng mga awtoridad ang seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng ASEAN Summit at iba pang kaugnay na aktibidad. RNT