MANILA, Philippines – Posibleng lumawak ang oportunidad para sa mga produktong Pilipino sa South Korea kasunod ng pagsisimula ng negosasyon upang palawakin ang free trade agreement (FTA) sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Seoul.
Kinumpirma ni South Korean President Lee Jae Myung ang pagsisimula ng negosasyon sa 27th ASEAN–Republic of Korea Summit na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Nobyembre 16.
Target ng dalawang panig na matapos ang pag-uusap bago matapos ang 2027 upang mapalawak ang kalakalan at mapadali ang pagpasok ng mga produkto sa kani-kanilang merkado.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kabilang sa mga posibleng makinabang ang mga Pilipinong exporter ng produktong agrikultural, processed food, electronics, garments at iba pang manufactured goods.
Layunin ng bagong kasunduan na gawing mas angkop sa kasalukuyang pandaigdigang ekonomiya ang halos dalawang dekada nang ASEAN–Korea trade framework.
Samantala, target din ng South Korea na umabot sa $300 bilyon ang taunang kalakalan nito sa ASEAN sa pamamagitan ng mas malawak na kooperasyong pang-ekonomiya.
Matatandaang mayroon nang hiwalay na free trade agreement ang Pilipinas at South Korea na ipinatutupad mula Disyembre 31, 2024, upang mabawasan o alisin ang taripa sa mga piling produkto.
Gayunman, nananatili pa sa yugto ng negosasyon ang pagpapalawak ng ASEAN–Korea FTA at wala pang pinal na bagong trade concessions na napagkasunduan. Dave Medina