Home HOME BANNER STORY US court ibinasura bagong visa restrictions ni Trump

US court ibinasura bagong visa restrictions ni Trump

4
0

MANILA, Philippines – Pinawalang-bisa ng isang federal court sa Estados Unidos ang mas mahigpit na visa regulations ng administrasyon ni US President Donald Trump na maglilimita sa pananatili ng mga dayuhang estudyante, researcher at mamamahayag sa bansa.

Sa desisyon nitong Lunes, Nobyembre 16, sinabi ni US District Judge F. Dennis Saylor IV sa Massachusetts na hindi naaayon sa batas ang bagong patakaran ng Department of Homeland Security (DHS).

Sa ilalim ng ibinasurang regulasyon, hanggang apat na taon lamang sana ang paunang pinahihintulutang pananatili ng mga international student sa US. Kakailanganin nilang mag-apply ng extension kung nais pang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Para naman sa mga dayuhang mamamahayag, lilimitahan sana sa 240 araw o humigit-kumulang walong buwan ang kanilang pananatili, habang 90 araw lamang para sa mga Chinese journalist, na may posibilidad na mag-apply ng extension.

Dati nang pansamantalang hinarang ng korte ang pagpapatupad ng mga regulasyon noong Setyembre 14.

Sa pinakahuling desisyon, tuluyan nang pinawalang-bisa ang patakaran matapos makita ng korte na hindi sapat ang mga dahilan ng DHS tungkol sa national security at immigration fraud upang bigyang-katwiran ang mga paghihigpit.

Ayon sa hukom, maaari ring makahadlang ang mga bagong regulasyon sa mga estudyanteng kumukuha ng Ph.D., joint degrees at iba pang kursong nangangailangan ng mas mahabang panahon ng pag-aaral.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng mga organisasyong kumakatawan sa mga unibersidad, guro, international educators at mamamahayag.

Dahil sa desisyon, mananatili ang dating sistema na nagpapahintulot sa mga kwalipikadong dayuhang estudyante na manatili sa US habang nagpapatuloy ang kanilang awtorisadong pag-aaral at napapanatili ang kanilang legal na immigration status.

Maaari pa ring iapela ng administrasyong Trump ang pinal na desisyon sa mas mataas na hukuman. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here