Home NATIONWIDE Heat index sa 3 lugar posibleng umabot sa 42°C—PAGASA

Heat index sa 3 lugar posibleng umabot sa 42°C—PAGASA

5
0

MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa danger level na 42 degrees Celsius ang heat index sa tatlong lugar sa Pilipinas ngayong Martes, Nobyembre 17, dahil sa mainit at mahalumigmig na panahon.

Batay sa forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa mga apektadong lugar ang Borongan City sa Eastern Samar, Puerto Princesa City sa Palawan at Zamboanga City.

May 16 pang lugar na inaasahang makapagtatala ng heat index na hindi bababa sa 40°C.

Ayon sa PAGASA, nasa danger level ang heat index na 42°C hanggang 51°C, kung saan tumataas ang panganib ng heat cramps at heat exhaustion. Maaari rin itong humantong sa heat stroke kapag matagal na nabilad sa matinding init.

Ang heat index ay tumutukoy sa init na nararamdaman ng katawan batay sa kombinasyon ng temperatura at halumigmig sa hangin.

Samantala, patuloy na nakaaapekto sa bansa ang easterlies o mainit at mahalumigmig na hanging nagmumula sa Pacific Ocean habang hindi pa umiiral ang Amihan o northeast monsoon.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng isolated rain showers o thunderstorms.

Pinapayuhan ang publiko na umiwas sa matagal na pagbibilad sa araw, lalo na mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, uminom ng sapat na tubig at magsuot ng magaan na damit.

Samantala, posibleng muling lumakas ang Amihan sa mga susunod na araw at magdala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Northern Luzon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here