Home METRO Electric vehicles bawal muna sa ilang RORO ferry sa Negros para iwas...

Electric vehicles bawal muna sa ilang RORO ferry sa Negros para iwas sunog

5
0

MANILA, Philippines – Hindi muna pinapayagang sumakay ang mga electric vehicle (EV) sa ilang roll-on/roll-off (RORO) ferry sa Negros Island Region dahil sa pangamba sa posibleng sunog habang hinihintay ang opisyal na safety guidelines ng pamahalaan.

Ipinatutupad ng ilang shipping company ang sariling pagbabawal sa pagsakay ng EVs bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga pasahero at barko.

Sinabi ni Coast Guard District Southern Visayas Commander Commodore Christopher Auro na kabilang dito ang Montenegro Shipping Lines sa mga biyaheng Dumaguete-Siquijor at Dumaguete-Dapitan, gayundin ang mga pabalik na biyahe.

Sa Negros Occidental, nagpapatupad din ng katulad na restriksyon ang Tri-Star Megalink, Sheen Sam Shipping at Montenegro Shipping sa rutang Bacolod-Dumangas.

Nagkaroon ng mga pagbabawal kasunod ng sunog sa MV June Aster malapit sa Coron, Palawan noong Setyembre, bagama’t hindi natukoy na electric vehicle ang sanhi ng insidente.

Nilinaw ng Maritime Industry Authority (MARINA) na patuloy itong nakikipagtulungan sa Department of Energy (DOE), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG) upang bumuo ng angkop na pamantayan sa ligtas na pagsakay ng EVs at hybrid vehicles sa mga barko.

Samantala, sinabi ng Philippine Ports Authority (PPA) na nakikipag-ugnayan ito sa MARINA upang muling mapayagan ang mga naturang sasakyan sa RORO vessels.

Patuloy namang magsasagawa ang PCG ng inspeksyon sa mga sasakyang isinasakay sa mga barko upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at tripulante. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here