MANILA, Philippines – Nagpalabas ng arrest warrant ang isang korte sa Iligan City laban sa alkalde ng Nabalawag, BARMM at walong iba pa kaugnay ng umano’y tangkang pagpatay sa isang vice mayor sa Maguindanao del Sur.
Kabilang sa mga ipinag-utos na arestuhin si Nabalawag Mayor Datu Rhenz Tukuran dahil sa umano’y pagkakasangkot sa planong pagpatay kay Datu Piang Vice Mayor Mohammad Omar Samama.
Inilabas ng Regional Trial Court Branch 1 sa Iligan City ang mga warrant noong Oktubre 28 kaugnay ng mga kasong paglabag umano sa Anti-Terrorism Act.
Batay sa impormasyong ibinahagi ni CIDG-Bangsamoro chief Lt. Col. Eugene Balogo sa Inquirer, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) national headquarters ang naghain ng kaso.
Matatandaang nakaligtas si Samama sa pamamaril ng isang sniper noong Pebrero 24, 2025 habang nagtatalumpati sa isang medical mission sa Barangay Magaslong, Datu Piang.
Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan ang bise alkalde.
Patuloy naman ang manhunt operation ng CIDG laban sa siyam na akusado.
Nanawagan din si Balogo sa mga pinaghahanap na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.
Wala pang inilalabas na pahayag ang panig ng alkalde at iba pang akusado hinggil sa mga alegasyon.
Hindi pa napapatunayan sa korte ang mga paratang laban sa kanila. Mary Anne Sapico