Home NATIONWIDE Marcos, Takaichi, nagkasundo sa pagpapalakas ng ugnayan sa depensa, ekonomiya

Marcos, Takaichi, nagkasundo sa pagpapalakas ng ugnayan sa depensa, ekonomiya

1
0

MANILA, Philippines – Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na palakasin ang kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa depensa at seguridad, kalakalan, pamumuhunan at enerhiya.

Kasunod ito ng bilateral meeting ng dalawang lider sa sidelines ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits noong Lunes, Nobyembre 16, sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Sa kanyang Facebook post nitong Martes, sinabi ni Marcos na pinagtibay nila ni Takaichi ang kanilang pangako na palawakin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan.

Ayon naman sa Ministry of Foreign Affairs ng Japan, ikinatuwa ni Takaichi ang kasunduang magkaloob ng mga kagamitang pandepensa sa Pilipinas sa pamamagitan ng Japan’s Official Security Assistance program.

Nagpalitan din ng pananaw ang dalawang lider hinggil sa mga kaganapan sa East at South China Seas, nuclear at missile programs ng North Korea, at trilateral cooperation ng Japan, Pilipinas at United States.

Sa kanyang post sa X, sinabi ni Takaichi na palalakasin pa ng dalawang bansa ang ugnayan sa seguridad, enerhiya at ekonomiya sa ilalim ng kanilang Comprehensive Strategic Partnership.

Muling tiniyak ng Japan ang pakikipagtulungan nito sa Pilipinas para sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon, alinsunod sa pananaw nitong Free and Open Indo-Pacific.

Ipinahayag din ni Takaichi ang paggalang sa mga pagsisikap ni Marcos bilang chair ng ASEAN at ang kagustuhang palakasin ang koordinasyon sa Pilipinas sa mga multilateral forum, kabilang ang mga pagpupulong na may kaugnayan sa ASEAN.

Dumating sa Maynila si Takaichi nitong Lunes upang dumalo sa mga regional meeting bilang kinatawan ng Japan, na isang ASEAN dialogue partner.

Tinalakay rin ng dalawang lider ang patuloy na suporta ng Japan sa mga proyektong pang-imprastraktura at development priorities ng Pilipinas, na inaasahang magpapahusay sa koneksiyon, magpapalakas sa ekonomiya at lilikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.

Ayon sa Japanese Ministry of Foreign Affairs, napag-usapan din ang economic resilience, kooperasyon sa enerhiya, Luzon Economic Corridor at posibleng pagpapahusay sa Philippines-Japan Economic Partnership Agreement.

Ito ang unang personal na pagkikita nina Marcos at Takaichi mula nang bumisita ang Pangulo sa Japan noong Mayo, bagama’t nag-usap din sila sa telepono noong Oktubre hinggil sa bilateral cooperation at paghahanda sa ASEAN Summit. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here