Home NATIONWIDE Kampo ni VP Sara, nag-alala sa banta sa dating household staff

Kampo ni VP Sara, nag-alala sa banta sa dating household staff

1
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y banta sa buhay ng isa niyang dating household staff, at iginiit na maaaring bahagi ito ng umano’y walang tigil na kampanya ng administrasyong Marcos laban sa Bise Presidente.

Ayon kay Atty. Paolo Panelo, legal counsel ni Duterte, nakatanggap ang Bise Presidente ng mensahe mula sa dating staff bandang alas-11:19 ng gabi noong Nobyembre 16 na humihingi ng tulong at pagsagip sa Maynila.

Sinabi ni Panelo na nasa kustodiya umano ng ilang indibidwal ang dating staff, na pinagbantaan ang buhay at pinipilit na pumirma sa isang dokumento. Tumanggi umano itong pumirma.

Inihambing ni Panelo ang insidente sa nangyari kay Jefry Tupas, dating chief information officer ng Davao City. Nauna nang sinabi ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso na nag-abot siya ng mga maleta ng pera kay Tupas para kay Duterte.

Ayon kay Panelo, noong Setyembre 29, 2026, sinabihan umano si Tupas ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na may banta sa kanyang buhay at sinubukan siyang dalhin sa Maynila.

Nagpahayag din si Panelo ng pangamba sa umano’y pagtatangka ng pamahalaan na pilitin ang ilang indibidwal na maging mga “false witness” laban kay Duterte at paggamit sa mga ahensiya ng estado para sa pampulitikang layunin.

Dagdag ni Panelo, hindi pa rin alam ang kinaroroonan ng dating household staff at hindi pa nabeberipika ang kaligtasan nito.

Samantala, sinabi ni Matibag na susuriin niya ang mga alegasyon tungkol sa umano’y pagbabanta.

Nauna nang ipinatawag ng NBI si Tupas upang magbigay-linaw sa mga alegasyon ni Gracioso, ngunit nagsumite ito ng counter-affidavit sa pamamagitan ng kanyang abogado. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here