PARAÑAQUE CITY, Philippines — Napigilan ng Bureau of Immigration (BI) ang tangkang pagbiyahe patungong Canada ng isang dayuhang pasahero na gumamit ng tunay na pasaporteng Indian at Canadian visa na pag-aari naman ng ibang tao.
Ayon sa BI, naharang ang naturang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nobyembre 7, 2026, habang naghahanda itong bumiyahe patungong Canada.
Galing Malaysia ang pasahero sakay ng Philippine Airlines nang masita ito ng mga tauhan ng BI kasunod ng impormasyong ibinahagi ng mga awtoridad ng Canada hinggil sa posibleng paggamit nito ng maling pagkakakilanlan.
Nagsagawa ng masusing beripikasyon ang Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES), kabilang ang facial recognition at forensic signature comparison.
Sa pagsusuri, nakumpirma na hindi ang nasabing pasahero ang tunay na may-ari ng pasaporteng Indian at Canadian visa na ginagamit nito.
Kinumpirma naman ng BI Anti-Fraud Section na tunay ang dalawang dokumento, ngunit ginamit lamang ang mga ito ng ibang tao upang makalusot sa immigration inspection.
Dahil dito, ini-refer ang pasahero sa kinauukulang airline upang agad na maibalik sa bansang pinagmulan nito.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang mga tauhan ng ahensya sa kanilang pagbabantay at pagbibigay-pansin sa mga kahina-hinalang pasahero.
Binigyang-diin ni Viado na mahalaga ang palitan ng impormasyon at pakikipagtulungan sa mga international authorities upang mapigilan ang paggamit sa Pilipinas bilang transit point ng mga dayuhang nagtatangkang makalusot gamit ang pekeng pagkakakilanlan. JAY Reyes