BATAC, Ilocos Norte, Philippines – Napigilan umano ng National Bureau of Investigation (NBI) ang planong pamamaril ng tatlong menor de edad sa isang paaralan sa Batac, Ilocos Norte.
Sa panayam nitong Martes, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na natukoy ang tatlong suspek matapos makatanggap ng intelligence information mula sa kanilang katapat na Federal Bureau of Investigation (FBI) sa United States.
Agad umanong nagtalaga ang NBI ng Task Force on National Violent Extremism (TF-NVE) upang imbestigahan ang impormasyon.
Ayon kay Matibag, inamin ng isa sa mga menor de edad na may plano silang magsagawa ng pamamaril.
Pawang 16 anyos at magkakapitbahay ang tatlo. Plano umano nilang isagawa ang pamamaril sa Disyembre 16, sa pagsisimula ng Simbang Gabi, at target ang mahigit limang estudyante.
Nabatid din na bumuo ang mga ito ng group chat noong Nobyembre upang pag-usapan ang kanilang plano. Hindi pa matukoy ni Matibag kung anong baitang nag-aaral ang mga menor de edad, ngunit magkakapareho umano silang pumapasok sa paaralang target ng kanilang plano. Hindi naman pinangalanan ang paaralan.
Ayon pa sa NBI chief, sinabi ng isa sa mga menor de edad na binu-bully siya sa paaralan mula pa noong Grade 7. Napanood din umano nito ang video tungkol sa Columbine High School massacre noong 1999 sa Colorado, United States, na nagsilbing inspirasyon umano sa plano.
Nababahala rin si Matibag dahil may usapan umano tungkol sa pagpapakamatay matapos ang pamamaril.
Narekober na rin ng NBI ang isang baril mula sa isa sa mga menor de edad na umano’y kinuha ito sa kanyang mga magulang.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng NBI ang tatlo habang nagbibigay ng kaukulang interbensiyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MDS