Home HOME BANNER STORY US green card rules, posibleng higpitan; Pinoy nurses masasapul

US green card rules, posibleng higpitan; Pinoy nurses masasapul

3
0

MANILA, Philippines — Posibleng dumaan sa mas mahigpit na proseso ang mga Pilipinong nurse at iba pang skilled workers na naghahangad ng permanenteng paninirahan sa Estados Unidos sa ilalim ng bagong panukala ng administrasyon ni US President Donald Trump.

Inihain ng US Department of Labor (DOL) nitong Lunes, Nobyembre 16, ang mga panukalang pagbabago sa Permanent Labor Certification (PERM) program, na ginagamit ng mga employer sa pag-sponsor ng employment-based green card para sa mga dayuhang manggagawa.

Kabilang sa mga pagbabago ang planong alisin ang Schedule A exemption na nagpapahintulot sa mga employer ng professional nurses, physical therapists at ilang iba pang propesyonal na hindi na dumaan sa karaniwang labor market test.

Kapag naaprubahan, kakailanganin ding patunayan ng mga employer na nabigyan muna ng sapat na pagkakataon ang mga kuwalipikadong manggagawang Amerikano bago kumuha ng dayuhang empleyado.

Iminumungkahi rin ang hindi bababa sa 90 araw na job advertisements at pagbabawal sa paghahain ng PERM application para sa kapareho o kahalintulad na trabaho kung nagtanggal ang employer ng mga manggagawa sa nakalipas na dalawang taon, alinsunod sa mga kundisyon ng panukala.

Layunin ng US Labor Department na palakasin ang proteksyon sa trabaho at sahod ng mga Amerikanong manggagawa.

Gayunman, panukala pa lamang ang mga pagbabago at sasailalim muna sa 60 araw na public comment period bago maaaring maglabas ng pinal na regulasyon.

Wala pang inilalabas na petsa kung kailan ipatutupad ang mga bagong requirement, sakaling tuluyang maaprubahan ang panukala. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here