MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang posibleng labis na paggamit ng puwersa ng mga pulis sa mga demonstrador sa kasagsagan ng 49th ASEAN Summit matapos makakita ng ilang “red flags” sa mga video ng komprontasyon.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan, may mga kuha sa social media at mainstream media na nagpapakita ng matinding pisikal na komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at raliyista.
Dahil dito, nais matukoy ng komisyon kung makatwiran at naaayon sa batas ang puwersang ginamit ng mga awtoridad.
Gayunman, nilinaw ni Calinisan na hindi sapat ang mga video upang agad matukoy kung sino ang nagsimula ng kaguluhan at kung may naganap na paglabag.
Inatasan na rin niya ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na imbestigahan ang mga insidente.
Samantala, tinanggap ni NCRPO chief Brig. Gen. Christopher Abrahano ang hakbang ng NAPOLCOM at tiniyak na handa silang sumagot kung mapatutunayang may pananagutan ang kanilang mga tauhan.
Nauna nang kinuwestiyon ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang pag-aresto at patuloy na pagkakadetine ng mahigit 200 demonstrador sa Muntinlupa City.
Ayon sa grupo, posibleng may paglabag sa karapatan ng mga inaresto dahil sa pagkaantala ng legal na proseso.
Sinabi naman ng NCRPO na natapos na ang inquest proceedings ng 213 demonstrador na inaresto noong Nobyembre 15.
Binigyang-diin ng NAPOLCOM na magiging patas ang imbestigasyon at isasaalang-alang ang karapatan ng mga demonstrador at tungkulin ng pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan. Santi Celario