Home HOME BANNER STORY Barikada, ikinalat sa Mendiola; seguridad sa ASEAN delegates’ hotel hinigpitan

Barikada, ikinalat sa Mendiola; seguridad sa ASEAN delegates’ hotel hinigpitan

3
0

MANILA, Philippines — Hinigpitan ng pulisya ang seguridad at isinara ang ilang kalsada patungong Mendiola at Malacañang ngayong Miyerkoles, Nobyembre 18, kasabay ng pagbisita ni US President Donald Trump at nagpapatuloy na mga kilos-protesta laban sa kanya.

Naglagay ng mga barikada, barbed wire at tatlong container van sa magkabilang lane ng Recto Avenue kanto ng San Sebastian Street upang harangin ang pagdaan ng mga sasakyan.

Isinara rin sa mga motorista ang Legarda Street kanto ng Figueras Street at magkabilang lane ng Ayala Bridge.

Dahil dito, ilang pasahero ang napilitang maglakad matapos ibaba malapit sa mga barikada, habang ang ibang motorista ay dumaan sa mas mahahabang ruta.

Nagpakalat din ng karagdagang mga pulis mula sa Police Regional Office 4A sa Recto Avenue, habang nakapuwesto naman ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paligid ng Mendiola.

Samantala, mahigpit din ang seguridad sa paligid ng Solaire Resort Entertainment City sa Parañaque, kung saan nanuluyan ang ilang dayuhang delegado ng 49th ASEAN Summit.

Naglagay ang Southern Police District ng mga command post sa Solaire at Philippine International Convention Center (PICC) upang subaybayan ang seguridad sa mga pangunahing lugar na ginagamit ng mga delegado.

Nagpapatuloy din ang pagbabantay ng mga pulis sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, kung saan nagsagawa ng tatlong araw na protesta ang iba’t ibang grupo laban sa pagbisita ni Trump at sa US-led Pax Silica initiative.

Nauna nang hinarang ng pulisya ang planong pagmartsa ng mga demonstrador patungong Mendiola.

Nakatakdang bumisita si Trump sa Malacañang ngayong Miyerkoles upang makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan may inihandang arrival honors at welcome ceremony sa Kalayaan Grounds bandang alas-11 ng umaga.

Bahagi ang paghihigpit ng seguridad ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapangalagaan ang mga dumadalong lider at delegado sa ASEAN Summit. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here