MANILA, Philippines — Nanawagan si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan sa Kamara na bilisan ang pagpasa ng panukalang batas na maglilimita sa mataas na singil at iba pang kaltas sa perang ipinapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang pamilya.
Ayon kay Yamsuan nitong Miyerkoles, Nobyembre 18, makatutulong ang pagpapababa ng remittance fees upang mas malaking bahagi ng pinaghirapang kita ng mga OFW ang mapakinabangan ng kanilang mga pamilya, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Batay sa datos ng World Bank, nasa 6.36% ang pandaigdigang average na gastos sa pagpapadala ng remittance na nagkakahalaga ng $200, habang umaabot naman sa 14.99% ang average cost kapag dumaan sa mga bangko.
Paliwanag ni Yamsuan, sa bawat $200 na padala, maaaring umabot sa halos $13 o mahigit ₱800 ang gastos sa remittance, batay sa halimbawang palitang ₱63 kada dolyar.
Aniya, maaari sanang maidagdag ang halagang ito sa pambili ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng pamilya.
Sa ilalim ng kanyang House Bill No. 8615 o proposed OFWs Remittance Protection Act, inaatasan ang Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Migrant Workers (DMW) na magtakda ng pinakamababang posibleng singil sa remittance services.
Ipagbabawal din sa mga bangko at iba pang remittance service providers ang basta pagtataas ng kanilang singil nang walang paunang abiso at pag-apruba ng BSP at DOF.
Kabilang din sa panukala ang libreng financial literacy education para sa mga OFW at kanilang pamilya upang makaiwas sa panloloko at mapangalagaan ang kanilang pera.
Nakapaloob din dito ang mga parusang multa na ₱50,000 hanggang ₱750,000 at pagkakakulong na hanggang anim na taon para sa mga mapatutunayang lumabag sa mga itinatakdang probisyon.
Hinimok ni Yamsuan ang kanyang mga kapwa mambabatas na aksyunan ang panukala matapos aprubahan ng Senado ang katumbas nitong panukalang OFW Remittance Protection Act sa ikatlo at huling pagbasa noong Marso.
Nananatili namang nakabinbin sa komite ng Kamara ang HB 8615. RNT