MANILA, Philippines – MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules si US President Donald J. Trump sa Palasyo ng Malakanyang bilang bahagi ng kanyang opisyal na pagbisita o State Visit sa Pilipinas.
Matapos ang naging pagsalubong ng Pangulo kay Trump sa Kalayaan Grounds, sa loob ng Malacañang Complex . Sinundan ito ng pagtugtog ng mga pambansang awit ng Pilipinas at Estados Unidos bilang bahagi ng seremonyal na pagtanggap sa pinuno ng Amerika.
Kasama ni Pangulong Trump sa kanyang pagbisita si US Secretary of State Marco Rubio.
Dumalo rin sa seremonya ng pagtanggap sina Executive Secretary Ralph Recto, Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, Finance Secretary Frederick Go, National Defense Secretary Gilbert Teodoro, Trade and Industry Secretary Cristina Roque, Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, anak ng Pangulo na si Ilocos Norte Representative Sandro Marcos, at US Ambassador to the Philippines Lee Lipton.
Bahagi ang pagdating ni Pangulong Trump ng pagpapalakas ng diplomatikong ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa larangan ng seguridad, kalakalan, pamumuhunan at iba pang mahahalagang usaping kapwa nakaaapekto sa dalawang bansa.
Sinasabing, isa sa mga pangunahing tampok ng State Visit ni Pangulong Trump sa Pilipinas ang bilateral meeting o pormal na pagpupulong ng dalawang pinuno. Inaasahang tatalakayin nila ang mahahalagang usapin hinggil sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon, kalakalan at pamumuhunan, seguridad pang-ekonomiya, pagpapalakas ng ugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, mga hamong lampas sa pambansang hangganan, gayundin ang kapakanan at proteksyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa.
Ang pagbisita ni Pangulong Trump ay kasunod ng kanyang paglahok sa ASEAN-US Special Summit, na isinagawa sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ika-49 na Summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mga kaugnay na pagpupulong nito.
Ang Estados Unidos ang pinakamatagal nang kaalyado ng Pilipinas at ang nag-iisang bansa na mayroon itong kasunduang pangdepensa. Nakasandig ang ugnayan ng dalawang bansa sa mahahalagang kasunduan tulad ng Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA), at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Bukod sa larangan ng depensa at seguridad, nananatiling matatag ang ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at Estados Unidos.
Noong 2025, ang Estados Unidos ang ikatlong pinakamalaking kasosyo sa kalakalan ng Pilipinas at pangunahing pamilihan ng mga produktong iniluluwas ng bansa. Umabot sa US$21.6 bilyon ang kabuuang halaga ng kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Nasa Pilipinas si Pangulong Trump mula Nobyembre 17 hanggang 18, 2026. (Kris Jose)