Home NATIONWIDE School counselor associate, pinadadagdagan ng EDCOM 2 vs bullying sa paaralan

School counselor associate, pinadadagdagan ng EDCOM 2 vs bullying sa paaralan

4
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na dagdagan ng hindi bababa sa 1,100 School Counselor Associate (SCA) positions sa 2027 national budget, bukod pa sa 3,000 na kasalukuyang nakalaan, para tugunan ang talamak na bullying at karahasan sa mga paaralan.

Ayon sa EDCOM 2, nananatiling malawakan ang bullying sa mga Pilipinong mag-aaral. Sa PISA 2022, 43% ng mga babae at 53% ng mga lalaki ang nagsabing nakaranas ng bullying ilang beses sa isang buwan — halos doble ng average sa OECD. Sa 2024 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), 50% ng Grade 5 learners sa Pilipinas ang nakaranas ng bullying kahit isang beses sa isang buwan, ang pinakamataas sa Southeast Asia.

Ngunit kulang pa rin ang mga sinanay na guidance at counseling professional na maaaring rumesponde at sumuporta sa mga mag-aaral na nakararanas ng bullying, karahasan, at iba pang isyu sa mental health.

Tinukoy ng EDCOM 2 ang 4,100 na “high-need schools” — mga pampublikong paaralan na may hindi bababa sa 1,000 mag-aaral at walang guidance counselor. May average enrollment na 1,960 learners bawat paaralan ang mga ito.

“We know from studies that bullying is highest in schools with congestion and high numbers of students, but few adults that could support learners when bullying incidents occur,” ani EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee. “Because of this, it is imperative that School Counselor Associates be prioritized in the 2027 budget so that timely support is available to our students, especially in the most high need schools.”

Sa ilalim ng RA 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na isinulat nina EDCOM 2 Co-Chairs Rep. Roman Romulo, Rep. Jude Acidre, Sen. Joel Villanueva, at EDCOM 2 Commissioner Senate President Sherwin Gatchalian, bawat paaralan ay dapat magkaroon ng Care Center para sa mental health services.

Bagama’t ideal na magkaroon ng School Counselor sa bawat paaralan, hindi ito agad magagawa dahil kakaunti ang graduates ng Guidance and Counseling. Tutulay ang mga SCA sa pamamagitan ng pagbibigay ng agarang suporta sa paaralan, kabilang ang pagtukoy sa mga nangangailangan ng karagdagang tulong at referral sa Schools Division Counselor.

Para sa FY 2026, may budget para sa 10,000 SCA positions. Kasama ang 3,000 na panukala para sa FY 2027, aabot lamang ito sa 13,000 posisyon — kulang pa rin ng 38,572 posisyon o 75% sa kabuuang pangangailangan ng DepEd na 51,572 SCA I positions hanggang 2031 batay sa National Education Plan 2026-2035.

Ayon sa roadmap ng NATPLAN, 10,000 ang target sa 2026, 14,291 sa 2027, 10,718 sa 2028, at 10,719 pagsapit ng 2031. Ang 3,000 na panukala para sa 2027 ay halos isang-lima lamang ng target para sa taong iyon.

Mabagal din ang hiring dahil sa naantalang pag-apruba ng qualification standards ng Civil Service Commission (CSC). Isinumite ng DepEd ang panukalang standards noong Nobyembre 2025 ngunit naaprubahan lamang noong Hunyo 30, 2026 at inanunsyo noong Hulyo, na nakaapekto sa rollout ng 10,000 posisyon para sa FY 2026.

Dahil dito, nanawagan ang EDCOM 2 sa DepEd na bilisan ang hiring at deployment ng mga posisyong pinondohan na noong FY 2026, ayusin ang staffing requirements, at tiyakin ang training at referral system na nag-uugnay sa mga SCA, School Counselor, Schools Division Counselor, at Care Centers alinsunod sa RA 12080.

Rekomendasyon ng EDCOM 2:

1. Maglaan ng karagdagang hindi bababa sa P440.7 milyon para sa 1,100 SCA I positions sa FY 2027 budget, bukod sa 3,000 na nauna nang inilaan, at unahin ang mga paaralang itinuturing na bullying hotspots;

2. Bilisan ang hiring sa natitirang 4,429 bakanteng guidance-related positions at ipatupad ang updated Qualification Standards.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here