MANILA, Philippines – Sinabi ni US President Donald J. Trump, araw ng Miyerkules na hindi siya nababahala sa sigalot sa West Philippine Sea (WPS), at tiniyak na maaaksyunan ang naturang usapin sa kabila ng patuloy na agresibong pagkilos ng Tsina laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagatan.
“I’m not concerned about that at all. That’ll be taken care of,” pahayag ni Trump nang tanungin tungkol sa alitan sa karagatan sa kanyang bilateral na pagpupulong kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malakanyang.
Ang Pilipinas at Estados Unidos ay magkaalyado sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) na nilagdaan noong 1951.
Nakasaad sa kasunduan na kapwa kikilos ang dalawang bansa upang harapin ang mga banta sa kanilang seguridad sakaling magkaroon ng armadong pag-atake laban sa alinman sa kanila sa rehiyon ng Pasipiko, alinsunod sa kani-kanilang proseso sa ilalim ng Konstitusyon.
Inaasahang magiging pangunahing paksa sa kanilang pag-uusap ang seguridad sa karagatan, sa gitna ng patuloy na tensyon sa South China Sea, isang karagatang mayaman sa likas na yaman na halos buong inaangkin ng China, kabilang ang mga bahaging sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ipinahayag ni Trump ang nasabing pahayag sa kanyang opisyal na pagbisita sa Maynila, kung saan tinalakay nila ni Pangulong Marcos ang matagal nang alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos, gayundin ang mga paraan upang mapalawak ang kooperasyon sa depensa, kalakalan at pamumuhunan, seguridad pang-ekonomiya, ugnayang mamamayan sa mamamayan, pagtutulungan sa mga hamong lagpas sa pambansang hangganan, at kapakanan at proteksyon ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Ipinagdiriwang ngayong taon ng Pilipinas at Estados Unidos ang ika-80 anibersaryo ng kanilang relasyong diplomatiko at ika-75 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty.
Pinalalawak ng Maynila ang ugnayan nito sa iba’t ibang bansang katuwang sa seguridad habang patuloy na pinatitibay ang matagal nang alyansa sa Washington, sa gitna ng lalong mapangahas na pagkilos ng China sa South China Sea, kung saan may magkakapatong na pag-aangkin sa karagatan ang ilang bansa.
Inaangkin ng Tsina ang buong South China Sea, kabilang ang mga bahaging sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas, batay sa mga pag-aangking pinawalang-bisa ng arbitral ruling noong 2016. (KRIS JOSE)