RIZAL, Philippines – Binuksan ang mga tinatawag na “friendship gates” o magkakakonektang gate sa ilang gated subdivision sa Cainta upang mabawasan ang matinding trapiko sa Marcos Highway, Felix Avenue at Ortigas Avenue.
Ayon kay Mayor Kit Nieto, sinimulan ang proyekto sa pamamagitan ng paggawa ng daanan sa pagitan ng Filinvest at Vista Verde, na sinundan ng koneksyon ng Vista Verde patungong Green Park.
Dahil dito, maaari nang makalabas sa Sta. Lucia ang mga motorista mula Filinvest nang hindi dumaraan sa matrapik na Marcos Highway at Felix Avenue. Mayroon na ring mas maikling ruta ang mga taga-Vista Verde patungong Sumulong sa pamamagitan ng border gate ng Vista Verde at Filinvest.
Ikinonekta rin ang Vista Verde sa Village East upang makapunta ang mga motorista mula rito sa SM Masinag sa pamamagitan ng Vista Verde at Filinvest, nang hindi na dumaraan sa Felix Avenue.
Binuksan din ang connecting gate ng Country Homes at Park Place patungong Brookside upang magkaroon ng mas maayos na ruta papunta sa SM Hypermarket sa Felix Avenue.
Binigyang-diin ni Nieto na gagamitin ang village sticker upang makontrol ang pagpasok at pagdaan ng mga motorista sa mga subdivision at matiyak ang seguridad ng mga residente.
Marami na umanong nakikinabang sa proyekto habang pinag-aaralan pa ng lokal na pamahalaan ang pagpapalawak nito sa iba pang bahagi ng Cainta. Maritess Pumaras