CAVITE, Philippines – Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan ang asawa nitong angkas matapos bumangga ang kanilang motorsiklo sa konkretong harang sa isang pababa at pakurbadang kalsada sa Tagaytay City.
Dead on arrival sa Ospital ng Tagaytay ang biktimang si alyas Victor, 53, dahil sa matinding pinsala sa katawan. Ginagamot naman ang asawa nitong si alyas Aileen, 39.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-9:30 ng umaga habang minamaneho ni Victor ang Honda Click 125 at angkas ang kanyang asawa, kasama ang ilang rider, sa Labak Ligaya Drive, Barangay Sungay East.
Pagdating sa pababa at pakurbadang bahagi ng kalsada na patungo sa Talisay, Batangas, nawalan umano ng kontrol ang rider sa motorsiklo at tuluy-tuloy na bumulusok pababa bago bumangga sa konkretong harang sa gilid ng kalsada.
Agad na rumesponde ang Tagaytay Rescue at isinugod sa ospital ang mag-asawa. Gayunman, hindi na umabot nang buhay ang rider habang patuloy na inoobserbahan ang kanyang asawa. Margie Bautista