MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Northern Police District (NPD), sa ilalim ng pamumuno ni District Director PBGen. Benliner L. Capili, ang pagmamanman sa mga pulis na naka-duty sa gabi sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Night Watch Guidelines and Procedures.
Inatasan ni Capili ang mga Assistant Chiefs of Police for Operations (ACOPO) ng mga istasyon ng pulisya sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na personal na magsagawa ng araw-araw na random at biglaang inspeksyon.
Layunin nitong matiyak ang pagiging alerto, disiplina, pananagutan at kahandaan ng mga pulis sa kanilang mga tungkulin sa gabi.
Saklaw ng inspeksyon ang mga nakatalagang yunit, puwesto, pasilidad at operasyon ng pulisya sa kani-kanilang nasasakupan.
Kabilang sa susuriin ang presensya at kahandaan ng mga tauhan, pagsunod sa mga tungkulin at operational procedures, at mga posibleng problemang makaaapekto sa mabilis na pagtugon at paghahatid ng serbisyo.
Ayon sa NPD, sa pamamagitan ng regular na pagmamanman at biglaang inspeksyon, mapapalakas ang disiplina at pananagutan ng mga pulis upang matiyak na handa silang rumesponde at tumulong sa publiko anumang oras. Merly Duero