NUEVA ECIJA, Philippines – Nakumpiska ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang 1,019.6 kilo ng mga produktong karne na nagkakahalaga ng P203,928 sa mga pampublikong pamilihan sa Gapan at Cabanatuan City noong Nobyembre 13.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), kabilang sa mga nakumpiska ang mga frozen na karne na walang kaukulang dokumento, mga produktong hindi wastong hinawakan o inimbak, hot meat, at mga karne na hindi angkop para sa konsumo ng tao.
Kabilang sa mga natukoy na paglabag ang hindi pagsunod sa Department of Agriculture Administrative Order No. 6, Series of 2012, na nagtatakda ng mga pamantayan sa paghawak ng frozen, thawed at chilled meat sa mga pamilihan.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na bahagi ito ng responsibilidad ng pamahalaan na protektahan ang mga mamimili at tiyaking ligtas ang pagkaing inilalagay sa hapag ng mga Pilipino.
“Ang seguridad sa pagkain ay higit pa sa pagpapanatili ng pagkain sa hapag-kainan. Nangangahulugan ito ng pagtiyak na ang makakarating sa mga pamilyang Pilipino ay ligtas. Hindi namin hahayaang ang mga hindi ligtas, walang dokumento, at hindi angkop na karne ay maglagay sa panganib ng kalusugan ng publiko,” aniya.
Nakiisa sa operasyon ang NMIS Enforcement and Regional Technical Operations Center 3, Criminal Investigation and Detection Group, Inspection and Enforcement Unit ng DA, at mga lokal na pamahalaan ng Gapan at Cabanatuan.
Dinala ang mga nakumpiskang karne sa isang kinikilalang rendering facility sa Porac, Pampanga, upang matiyak na hindi na ito mapakikinabangan o maibebenta para sa konsumo ng tao.
Ayon sa DA, bahagi ang operasyon ng kampanya laban sa pagbebenta ng hindi ligtas at walang kaukulang dokumentong karne, at upang maprotektahan ang publiko sa mga panganib na dulot ng kontaminadong pagkain. Santi Celario