MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa Supreme Court ang usapin sa P7.2 trilyong panukalang pambansang budget para sa 2027 matapos magbabala ang dalawang kongresista na kukuwestiyunin nila ang umano’y mga pagkukulang sa proseso ng pag-apruba nito sa Kamara.
Ayon kina Navotas Rep. Toby Tiangco at Caloocan Rep. Edgar Erice, maaari silang magsampa ng petisyon sa Korte Suprema kung hindi aayusin ng liderato ng House of Representatives ang mga kinukuwestiyong proseso sa pag-apruba ng sariling budget ng kapulungan.
Sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Nobyembre 18, iginiit ni Tiangco na hindi dumaan sa sapat na pagsusuri ng House Committee on Appropriations at plenaryo ang pondo ng Kamara.
Aniya, hindi kayang itama ng Senado ang anumang pagkukulang sa prosesong dapat isinagawa mismo ng House of Representatives.
Nauna nang naghain si Tiangco ng House Resolution 1590 upang hilinging isailalim sa committee discussion at plenary deliberation ang panukalang budget ng Kamara.
Samantala, nanawagan si Erice na masusing suriin ang lahat ng congressional budget insertions, maliban sa mga institutional insertions, dahil sa pangambang hindi na ito lubusang mabusisi ng Senado.
Iminungkahi rin nito na alisin muna ang mga proyektong hindi sapat ang pagsusuri at muling isumite ang mahahalagang proyekto sa pamamagitan ng supplemental budget.
Nauna nang sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na aalisin ng Senado ang P8.8 bilyong halaga ng infrastructure projects na kulang sa dokumentasyon.
Gayunman, kinuwestiyon ni Erice kung sapat ang naturang halaga upang matugunan ang mga isyu sa budget insertions.
Hiniling din ng kongresista na magkaroon ng kinatawan sa bicameral conference committee ang 13 mambabatas na bumoto laban sa House-approved General Appropriations Bill.
Samantala, wala pang bagong pahayag si House Speaker Faustino Dy III kaugnay ng mga alegasyon.
Nauna nang ipinangako ni Dy ang pagbuo ng transparency portal upang masubaybayan ng publiko ang mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Naaprubahan ng Kamara noong Oktubre 12 ang panukalang P7.2 trilyong national budget, na kasalukuyang sinusuri sa Senado.
Wala pang inihaing petisyon sa Supreme Court kaugnay ng bagong babala nina Tiangco at Erice. RNT