Home NATIONWIDE Bidding sa P22-B automated election system sa 2028 polls, binuksan

Bidding sa P22-B automated election system sa 2028 polls, binuksan

1
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang isalang sa public bidding sa Disyembre ang P22-bilyong automated election system na gagamitin sa 2028 national at local elections.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Miyerkules, Nobyembre 18, target ng ahensya na simulan sa susunod na buwan ang bidding para sa Full Automation System with Transparency Audit/Count o FASTrAC v2.0.

Inaasahan din ng Comelec na maibibigay ang kontrata sa mapipiling supplier sa huling bahagi ng Enero hanggang unang bahagi ng Pebrero 2027.

Naaprubahan na ng Comelec En Banc ang binago at pinal na Terms of Reference (TOR) para sa naturang sistema sa ilalim ng Minute Resolution No. 26-0975.

Sa resolusyon, inatasan ang Special Bids and Awards Committee for Automated Election System (SBAC-AES) at ang 2028 National and Local Elections Project Management Office na agad simulan ang proseso ng procurement.

Nakasaad sa TOR ang mga teknikal na kinakailangan at pamantayang gagamitin sa pagpili ng automated election system para sa susunod na pambansa at lokal na halalan.

Layunin ng maagang procurement na magkaroon ng sapat na panahon ang Comelec sa paghahanda at pagpapatupad ng automated voting system bago ang halalan sa Mayo 2028.

Matatandaang isang joint venture na pinangunahan ng South Korean firm na Miru Systems ang nakakuha ng halos P18-bilyong kontrata para sa FASTrAC system na ginamit noong May 12, 2025 midterm elections.

Sa ngayon, wala pang napipiling supplier para sa 2028 elections dahil nakatakda pa lamang ang public bidding. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here