ILOCOS NORTE – Tatlong Malaysian nationals ang inaresto habang 11 Pilipinong hinihinalang biktima ng human trafficking ang nasagip matapos salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang online scam hub na may pekeng tanggapan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Currimao, Ilocos Norte.
Isinagawa ang operasyon noong Nobyembre 14 sa Barangay Victoria matapos magsumbong sa NBI ang partner ng isang babaeng na-recruit umano bilang virtual assistant ngunit hindi na nakauwi mula nang pumasok sa trabaho noong Nobyembre 7.
Batay sa imbestigasyon, sa halip na lehitimong trabaho, pinilit umano ang babae at iba pang manggagawa na lumahok sa mga online scam.
Itinuro rin ng babae ang tatlong Malaysian nationals na umano’y nagkulong sa kanila at nag-utos na magsagawa ng mga ilegal na aktibidad.
Sa pagsalakay, sampu pang manggagawa ang lumapit sa mga operatiba upang humingi ng tulong at proteksyon.
Nadiskubre rin ng NBI sa ikalawang palapag ng gusali ang isang silid na ginawang kahawig ng opisina ng FBI, na may mga jacket, cap, badge, identification card, logo ng naturang ahensiya at bandila ng Estados Unidos.
Hinihinalang ginagamit ang mga kagamitan upang magpanggap bilang mga awtoridad ng Amerika at makapanloko ng mga biktima sa internet.
Nakumpiska rin ang mga computer, tablet, cellphone, scam scripts at iba pang materyales na posibleng ginamit sa ilegal na operasyon.
Dinala ang tatlong Malaysian sa Ilocos Norte Provincial Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings bago inilagay sa kustodiya ng NBI-Laoag District Office.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, paiigtingin pa ng ahensiya ang operasyon laban sa mga sindikatong gumagamit ng mapanlinlang na alok na trabaho upang makapambiktima.
Iginiit nito na hindi dapat samantalahin ang mga Pilipinong naghahanap ng disenteng trabaho upang piliting lumahok sa ilegal na gawain.
Patuloy ang imbestigasyon ng NBI upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa operasyon ng scam hub. RNT