Home NATIONWIDE Padalang-pera ng OFWs, lalampas sa $40-B sa 2026 — DMW

Padalang-pera ng OFWs, lalampas sa $40-B sa 2026 — DMW

1
0
MSW

MANILA, Philippines – Inaasahang lalampas sa US$40 bilyon ang kabuuang personal remittances ng mga overseas Filipino ngayong 2026 sa kabila ng pagbagal ng pandaigdigang ekonomiya, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa pahayag na iniulat nitong Miyerkules, Nobyembre 18, sinabi ng DMW na patuloy na tumataas ang perang ipinadadala ng mga Pilipino mula sa ibang bansa, bagama’t inaasahang babagal ang antas ng paglago nito.

Mula sa 3.3% growth noong 2025, tinatayang nasa 2.2% hanggang 2.4% na lamang ang magiging pagtaas ng personal remittances ngayong taon.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nananatiling prayoridad ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang pagtulong sa kanilang pamilya, lalo na sa panahon ng krisis at kagipitan.

Ipinaliwanag nito na sa kabila ng mga hamon sa trabaho at ekonomiya sa ibang bansa, patuloy na nagsisikap ang mga OFW na magpadala ng pera para sa pang-araw-araw na pangangailangan at mga hindi inaasahang gastusin ng kanilang pamilya.

Batay naman sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umabot sa US$29.65 bilyon ang personal remittances mula Enero hanggang Setyembre 2026, mas mataas ng 2.3% kumpara sa US$28.97 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, umabot sa US$26.63 bilyon ang cash remittances na dumaan sa mga bangko sa unang siyam na buwan ng taon.

Binigyang-diin ng DMW na mahalaga ang patuloy na pagpasok ng remittances hindi lamang sa mga pamilyang umaasa rito kundi maging sa ekonomiya ng bansa.

Nagpasalamat naman si Cacdac sa mga OFW at iba pang Pilipino sa ibang bansa sa kanilang patuloy na sakripisyo at suportang pinansyal sa kani-kanilang pamilya.

Sa kabila ng inaasahang mas mabagal na paglago, nananatiling positibo ang pananaw ng DMW na tataas pa rin ang kabuuang remittances bago matapos ang 2026. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here