Home METRO P14-M halaga ng ilegal na droga, sinunog ng PDEA sa Davao

P14-M halaga ng ilegal na droga, sinunog ng PDEA sa Davao

2
0

MANILA, Philippines – Winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit P14 milyong halaga ng mga nakumpiska at nasamsam na ilegal na droga mula sa Davao Region at Soccsksargen bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na droga.

Isinagawa ang drug destruction nitong Miyerkules, Nobyembre 18, sa isang incineration facility sa Davao City, sa pangunguna nina PDEA Region 11 Director Benjamin Gaspi at Region 12 Director Charlene Magdurulang.

Kabilang sa mga sinunog ang mahigit P11.5 milyong halaga ng mga droga mula sa Davao Region at mahigit P2.5 milyon naman mula sa Soccsksargen.

Kabilang din sa mga sinira mula sa Davao Region ang mahigit 1.2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P8.41 milyon at 24.5 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P2.9 milyon.

Kasama rin dito ang ecstasy, mga halamang marijuana, iba pang dangerous drugs at expired medicines.

Mula naman sa Soccsksargen, sinira ang 326.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.22 milyon, gayundin ang marijuana at iba pang nakumpiskang materyales.

Ayon kay Gaspi, layunin ng aktibidad na matiyak sa publiko na ang mga drogang nakumpiska ng mga awtoridad ay maayos na naitatala at tuluyang sinisira upang hindi na muling maipakalat.

Binigyang-diin nito na mahalagang masaksihan mismo ng publiko ang proseso upang maiwasan ang pagdududa na maaaring maibalik sa ilegal na bentahan ang mga nakumpiskang droga.

Sinaksihan ang drug destruction ni Tagum City Regional Trial Court Executive Judge Sharon Rose Saracin, kasama ang mga kinatawan ng Department of Justice, Public Attorney’s Office, lokal na pamahalaan, civil society organizations at media.

Samantala, sinabi ni Magdurulang na patunay ang naturang aktibidad sa patuloy na pagtutulungan ng PDEA sa iba’t ibang rehiyon laban sa ilegal na droga.

Bahagi ang aktibidad ng paggunita sa Drug Abuse Prevention and Control Week 2026. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here