MUNTINLUPA CITY, Philippines – Nahaharap pa rin sa tatlong reklamo ang 236 raliyistang inaresto sa Barangay Sucat, Muntinlupa noong Nobyembre 15 at pinalaya noong Nobyembre 18 matapos iutos ng City Prosecutor’s Office ang karagdagang preliminary investigation.
Kabilang sa mga pinalaya ang 20 menor de edad.
Sa resolusyon ng piskalya, ibinasura ang mga reklamong malicious mischief at alarms and scandals dahil sa kawalan ng prima facie evidence na may makatwirang katiyakang hahantong sa conviction.
Gayunman, itinakda ang karagdagang pagdinig sa Nobyembre 25 at Disyembre 2 kaugnay ng umano’y paglabag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985, resistance and disobedience to a person in authority, at grave coercion.
Inihain ng mga pulis at kinatawan ng isang convenience store sa Sucat ang mga reklamo.
Samantala, sinabi ng Southern Police District (SPD) na iginagalang nito ang desisyon ng piskalya at makikipagtulungan sa mga susunod na proseso.
Pinuri ni SPD chief Brig. Gen. Rodel Pastor ang mga pulis sa pagtulong na muling mabuksan ang kalsada at mapanatili ang kaligtasan ng publiko. Tiniyak din niyang patuloy na tutuparin ng kanilang mga tauhan ang tungkulin nang may disiplina at propesyonalismo, habang iginagalang ang karapatan sa mapayapang pagtitipon.
Nagprotesta ang mga raliyista laban sa Pax Silica Initiative. RNT/MDS