CAMARINES SUR, Philippines – Arestado ang tatlong suspek at nasamsam ang tinatayang P3.719 milyong halaga ng puslit na sigarilyo sa buy-bust operation sa Barangay Godofredo Reyes Sr. noong Martes ng hapon, Nobyembre 17.
Unang naaresto ng pinagsanib na operatiba na pinangunahan ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 5 ang isang 40-anyos na residente ng Ragay matapos magbenta ng dalawang ream ng hindi nabuwisang sigarilyo sa isang undercover police officer.
Sa paghahalughog sa compound, nakumpiska ang 78 kahon o tinatayang 3,900 ream ng iba’t ibang uri ng ilegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P3.458 milyon, kasama ang isang cellphone.
Makalipas ang 30 minuto, dumating sa lugar ang isang itim na multi-purpose vehicle na may dalang karagdagang suplay. Arestado ang dalawang sakay nito, edad 27 at 30, na kapwa residente ng Del Gallego, Camarines Sur.
Nasamsam sa kanila ang siyam pang kahon na naglalaman ng 450 ream ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P261,000, gayundin ang dalawang cellphone.
Walang mandatory graphic health warning at tax stamp ng Bureau of Internal Revenue ang lahat ng nakumpiskang sigarilyo.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa mga batas ukol sa regulasyon ng tabako, customs at pagbubuwis.
Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa Ragay Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon. RNT/MDS