Home NATIONWIDE HRW, nagbabala sa posibleng pagpapaalis sa mga katutubo, magsasaka sa Tarlac dahil...

HRW, nagbabala sa posibleng pagpapaalis sa mga katutubo, magsasaka sa Tarlac dahil sa Pax Silica

7
0

TARLAC, Philippines – Nagbabala ang Human Rights Watch (HRW) na posibleng mapaalis sa kanilang mga tirahan at lupang sinasaka ang mga katutubong komunidad at maliliit na magsasaka sa Tarlac dahil sa planong pagtatayo ng technology manufacturing hub sa ilalim ng US-led Pax Silica initiative.

Ayon kay HRW Southeast Asia researcher Lian Buan nitong Miyerkules, nangangamba ang mga residente na sapilitang mapaalis sila sa kanilang mga lupain.

Bumisita ang HRW noong nakaraang buwan sa Sapang Kawayan sa Barangay Aranguren at Sitio Binyayan sa Barangay O’Donnell sa Capas, kung saan kinapanayam nito ang 11 residente.

Ayon sa HRW, sinabi ni chieftain Petronila Capiz-Muñoz na ipinaalam umano sa kanila ng mga opisyal ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ililipat sila sa ibang lugar pagsapit ng Disyembre.

Ikinabahala rin ng mga residente ang planong pabahay na may sukat lamang na 30 metro kuwadrado bawat pamilya.

Sinabi ni Muñoz na nakadepende sa pagsasaka ang kanilang kabuhayan at ayaw nilang iwan ang kanilang komunidad, mga libingan, simbahan, pinagkukunan ng tubig at mga taniman.

Noong Setyembre, kinumpirma ni dating BCDA President Joshua Bingcang na 40 pamilyang Aeta Hungey, o tinatayang 200 katao, ang ililipat para bigyang-daan ang proyekto.

Sa pagdinig sa Kamara noong Nobyembre 11, sinabi ng mga opisyal ng BCDA na sa Sitio Binyayan sa Barangay O’Donnell ililipat ang mga residente. Gayunman, wala umanong access sa mga sapa na kasalukuyan nilang pinagkukunan ng tubig ang naturang lugar.

Ayon sa HRW, wala pang inilalabas na detalyadong mapa ang BCDA tungkol sa proyekto. Batay naman sa mapa na ginawa ng mga independent geographer, saklaw ng planong development area ang Sapang Kawayan, habang nasa labas lamang ng hangganan nito ang Sitio Manabayukan, na tinitirhan ng mga Ayta Mag-Antsi.

Binigyang-diin ng HRW ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, alinsunod sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples at Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997. Kabilang dito ang karapatang makilahok sa mga desisyong makaaapekto sa kanilang komunidad at ang paghingi ng malaya, pauna at sapat na kaalamang pahintulot bago ipatupad ang mga hakbang na makaaapekto sa kanila.

Nanawagan ang HRW sa pamahalaan na tiyakin ang proteksyon sa lupang ninuno at kabuhayan ng mga apektadong residente at konsultahin sila bago ituloy ang proyekto.

“The Philippine government shouldn’t be trampling the rights of Indigenous peoples and farmers in its haste to attract foreign technology investment,” ani Buan.

Samantala, sinabi nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na hindi kabilang sa pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas ang paglagda sa Pax Silica initiative. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here