Home NATIONWIDE Malacañang, inihalintulad si VP Sara kay Lola Basyang sa mga kuwentong pantasya...

Malacañang, inihalintulad si VP Sara kay Lola Basyang sa mga kuwentong pantasya tungkol sa 2028 elections

9
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malacañang na masyadong abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtatrabaho upang isipin pa ang alegasyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may mga talakayan sa Kamara de Representantes tungkol sa posibleng pagkansela ng 2028 national elections.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sunod-sunod ang mga pulong na dinadaluhan ng Pangulo kaya malabong maisip pa nito ang naturang alegasyon.

“Masyadong okupado ang isip niya (Pangulong Marcos), hindi tulad ng iba na walang ginagawa kundi maglakwatsa. Sabi nga nila, “IDLE MIND IS THE DEVIL’S PLAYGROUND”,” ani Castro.

Hinimok din ni Castro ang kampo ni Duterte na sa halip ay ikuwento ang umano’y tagong-yaman ng Bise Presidente at ng kanyang pamilya, na aniya ay kailangang marinig ng publiko.

“Huwag silang mag-kwento ng gawa-gawa lang nila. Sa ngayon para ng “LOLA BASYANG” SI VP SARA sa kanilang mga kwentong pantasya,” dagdag niya.

Nauna rito, sinabi ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, na ibinahagi umano sa kanya ng Bise Presidente ang impormasyong may plano umanong walang halalan sa 2028.

Sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Panelo na tinanong niya si Duterte kung sino ang posibleng tumakbo sa puwesto nito sakaling mahatulan siya sa impeachment trial at madiskuwalipikang kumandidato sa 2028.

“Noong tinanong ko ang Bise Presidente… kung sakaling mahatulan ka at madiskuwalipikang kumandidato sa 2028, ano ang mangyayari? Sino ang tatakbo sa iyong lugar? Ang sinabi lamang niya sa akin ay, ‘Attorney, hindi ko nga alam kung aabot pa tayo sa halalan sa 2028 dahil ang impormasyong natatanggap ko ay may plano para walang halalan sa 2028,’” ani Panelo.

Sinabi rin ni Panelo na nakatanggap siya ng kumpirmasyon na may ganitong mga pag-uusap sa Kamara, ngunit hindi niya tinukoy kung sinu-sinong mambabatas ang umano’y sangkot o kung may partikular na panukalang inihain.

Inilahad ni Panelo ang impormasyon isang araw bago muling ipagpatuloy ng Senado ang impeachment trial laban kay Duterte matapos ang pansamantalang suspensiyon nito dahil sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.

Nahaharap ang Bise Presidente sa paglilitis kaugnay ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at iba pang paratang na pinabulaanan naman ng kanyang defense team.

Ang pagpapalit sa parliamentary system at pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal ay mangangailangan ng mga pagbabago sa 1987 Constitution. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here