NUEVA VIZCAYA, Philippines – Pinaglalamayan na ngayon ang 13-anyos na binatilyo ng ideklarang dead on arrival sa isang pagamutan matapos magulungan ng kuliglig na puno ng buko sa bahagi ng Purok Rang-ay, Barangay Pieza, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Una rito, sumama ang biktima sa bayan ng Villaverde sa mga namimili ng buko na kaniyang mga kabarangay sa Osmeña, Solano. Pauwi na umano ang mga biktima nang maganap ang insidente.
“Medyo ascending kasi yung kalsada kaya nahirapan yung kuliglig na umarangkada kaya bumaba yung mga nakasakay kasama yung victim, nang medyo nakaarangkada na, sumakay na siya sa side ng kuliglig pero nadulas siya at nalaglag, sakto naman yung katawan sa gulong at sa bigat ng kuliglig at mga buko, hindi kinaya ng biktima,” pahayag ni PMajor. Nelson Tuquero.
Sa tindi ng pagkakabigla ay tila tulala ang 22-anyos na driver ng kuliglig at isinugod siya sa hospital.
Posibleng sampahan ng kasong reckless imprudence resulting into homicide sa driver ng kuliglig. (REY VELASCO)